INAY, NAIS KO PO KAYONG BATIIN NG ISANG MALIGAYANG KAARAWAN! Nais ko pong ipabatid sa inyo na sa napakahalagang araw na ito na lubusan po akong nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay na ginawa ninyo para sa amin. Kung wala kayo, wala po kami dito at wala kaming matatawag na permanenteng kanlungan. Kung wala kayo, wala pong direksyon ang buhay ng mga anak ninyo at ng inyong mga apo.
Batid ko po na napakalaki ng pagkukulang namin sa inyo ng aming mga kapatid. Sa kabila ng lahat ng delubyo na dumating sa buhay natin, nanatili ka pa ding matatag at naging simbolo ng katapangan naming lahat sa pagbata ng buhay na magsisilbing inspirasyon namin ngayon at sa hinaharap. Ilang kaarawan na po ba ang nakalipas at ngayon lang po ako nakapaglimbag ng sulat para sa inyo.
Ngayon ko lang po napansin ang halos nakakalbo nyo ng mga buhok, ang mga pilat sa inyong mukha at sa iba’t ibang bahagi ng inyong katawan ay bakas at sagisag ng mga suliraning inyong linampasan at pinagwagian para sa amin ng aking mga kapatid. Itinaguyod nyo po kami sa kabila ng lahat ng hirap, dusa at hinagpis.
Patawad din po inay kung hindi kami nagkakasundo ng aking mga kapatid at hindi na namin napapansin ang inyong kalagayan. Lubhang abala po kaming lahat sa aming mga buhay at sa pagtupad ng aming mga tungkulin sa aming mga gawain at sa aming mga suliraning pangpamilya. Patawad po kung ang mga mas nakatatanda naming mga kapatid ay abala sa pagpapaunlad. Lalo na po ang mga kapatid naming dapat sana ay tumulong kay Kuya para po ayusin ang mga bagay na makabubuti para sa inyo. Batid ko po na hindi sila nakakalimot sa inyo at alam ko din na sa araw na ito ng inyong kaarawan, sila ay magdadaos ng mga piging at salo salo sa kanilang mga lugar.
Inay sana ay gabayan pa din ninyo si Kuya na naatasang mangalaga sa inyong kalagayan na sa kabila ng mga away, pagtatampo ng ibang mga kapatid namin sana ay maging matatag si Kuya sa pagaaruga sa inyo para na din sa aming mga kapatid at sa inyong mga apo.
INAY, MARAMING SALAMAT SA LAHAT! SANA PO AY MAPALIGAYA NAMIN KAYO SA INYONG IKA-115 KAARAWAN. LUBOS PO NAMING IPINAGMAMALAKI NA KAMI PO AY NAGKAROON NG APELYIDONG ANG BANSAG AY PILIPINO. KAMI PO AY NANGANGAKONG KAYO PO AY AMING MAMAHALIN AT IPAGLALABAN PO AT HINDI PO PAPAYAGANG MASIIL AT MAAPI NG KUNG SINOMANG MGA DAYUHAN.
MAHAL NA MAHAL PO NAMIN KAYO INANG BAYANG PILIPINAS!